Feeds:
Mga Paskil
Mga Puna

Huwag

HUWAG

Makinig sa iyong isip

Na nagsasabing di dapat

Na ika’y mahumaling

Sa pansamantalang kilig.


Paglalambing niya’y salat

Sa katotohanan – di iyan tapat

Lalong hindi iyan wagas;

Huwag kang palilinlang!

Iwasang mahulog sa patibong

Ng masuyong pagbabalatkayo.

Lalong-lalo na ng hangal na akalang

Pareho kayo ng indayog at tibok ng puso.

Huwag titikman ang hallik

Na nakalalasing.

Huwag magpapakalunod sa yakap

Na nakahuhumaling.

Huwag. Huwag na huwag.

11-1-14 (12:35-12:48 pm)

Bitag

Bitag

Nasa isang sulok lang naman ako

Nang ika’y sumulpot

Walang kahit anong hinagap

Na ikaw ay makakapasok

Sa puso at isip na parang surot.

Kailangang makakawala

Sa bitag ng panghaharot

Dahil lambing at paglalandi

Mo’y nakalalasing, nakabubugnot.

Sa dami ng mga pusong sabik

At gutom sa halimuyak

Ng iyong kisig at tindig

Marupok na tulad ko

Ay dapat lumalayo, umiiwas

Sa ilusyon ng iyong ngiti at titig.

10/31/2014 (9:40-9:49 p.m.)

Ayaw?

Ayaw?

Pinalipas ang panahon.

Pinalagpas ang pagkakataon.

Di pinansin pakiramdam, pagpaparamdam.

Binalewala kilos at salita

Lalo na ngiting kakaiba

At kislap ng mga mata.

Kilig na sa tuwing kalapit ka’y nangingibabaw

Kaya umiwas,

Itinaboy ka.

Bakit di mo nabasang hinahanap ka

At sayo nama’y totoong nangungulila.

Tangang puso lang, ang gusto ay ayaw daw.

Di lang marunong umamin mahal ka na rin naman.

102014 11:50-11:57 am

Wala

Nawawala.

Nalilito.

Namamangha.

Nasasabik.

Nangungulila.

Panaghoy ng pagkawala

Tumutusok;

Pumpupulandit ang dugo

Ng pagnanasang makakawala

Sa tanikala ng pagdadalamhati.

Pitpit na dibdib sumambulat;

Diwa’y lumipad tungo sa

Alapaap ng kawalan.

Walang saysay.

Walang laman.

Walang wala.

091514

4:06-4:08 pm

Kape

Yakap mong mahigpit

Na apaw sa pang-unawa’t pag-ibig;

Dantay at pisil ng mga kamay mong

Sa puso’t kaluluwa ko’y naging sandig.

 

Pananalig mo sa aking kakayahang

Magpatianod sa agos ng hinagpis

O  magpatihulog sa bangin ng kawalang-pag-asa

Ngunit manatiling buo,walang galos, walang dungis

Ang sa akin ngayo’y nagbabalik sa sariling tiwala at sigla.

 

Walang puknat na halakhakang sa matagal na panahong

Ngayon lamang muling bumubukal, kumakawala,

Salamat sa iyo kaibigang tulad mo ang kayang maghandog

Ng panahong makinig at umunawa ay isang biyaya.

 

Ngayong ikatlo  ng hapon, sa LPU-Cavite ARC coffee shop

Mainit na coffee latte at matamis na tuwa ang nalalasap

Mula kay Ms. Beth Collins, na ngayo’y aking yakap-yakap;

Sa piling ng kaibigang nagmamahal, buhay tunay na masarap.

Bakit? (2)

Bakit itinatanggi ng isip

Dikta ng pusong umiibig?

Bakit dinidiktahan ng puso

Ang pag-iisip na tuwid?

 

Bakit pumupukaw sa kamalayan

Ang sumsikdong pagnanasang

Maangkin ka; kahit na

Kasinungalingan lamang ang

Hatid na pagsinta?

 

Bakit hinahayaang tinig mo’y

Alipinin aking katinuan?

Bakit katinuan ko’y nagwawala

Sa sandaling tinig mo’y makaulayaw?

 

Bakit inaabot nang magdamag

Ang pagtatalik ng dalawang

Kaluluwang ligaw,

Kung walang pag-ibig na namamagitan?

 

Bakit may pag-ibig na

Nakapanlilinlang?

Bakit sa isa’t isa’y ipinagkakanulo

Ang mga sarili ng dalawang nilalang?

 

Kung tunay ang ligayang iniaalok,

Kung tapat ang pag-ibig na hinaharot,

Bakit di nauubos ang bakit?

 

5/19/14 (12:35 noon)

Bukang Liwayway

Sumisilay ang haring araw

Ilang saglit na lamang at babalutin

Na ng liwanag ang kariktang pinagsasaluhan.

Nagdaang gabi’y makulay;

Hinahaplos, nilulunod puso’t damdamin

Ng ligayang umaapaw.

Ngunit hungkag ang pagniniig ng mga kaluluwa.

Ilusyong nandito ka

Ay punyal na bumabaon sa kamalayang

Pagod nang umasa.

Pagluha

Sa sulok ng silid

Impit na humihikbi.

Tahimik na hagulgol

Pumipigtal sa hininga.

Matinding kalungkutan

Hatid ng pagpapalayang

Sarili lamang ang iniinda.

Pang-unawa ay pinakikitid

Ng pag-ibig na pansamantala.

Pader

Pader – 1/29/13 (3:28 p.m.)

 

Kaharap ka’y bakit likod mo ang nakikita?

Katabi ka’y bakit tinig mo’y di mahinuha?

Kaniig ka’y bakit salat mo’y di nadarama?

 

Walang unawaan o pagsasanib na magaganap

Kailanman sa ating di tumatanggap

Sa kadakilaan at kaangkinang kanya-kanya.

 

Kakaliwa ako’y sa kanan ang nais mong punta;

At sa iglap ng bagong-isip, didiretso ka naman pala.

Nakatitig ka’y bakit di naman ako nakikita?

Nandito ka’y bakit diwa mo’y alipin ng iba?

 

Hungkag na katahimikan sa gitna ng

Alumpihit na pagsamo ay pawang

Sinasala ng pader na nakapagitan

Sa ating mga pusong nananamlay.

Universal

uh…ah! oh! eh, ahh!

ahuh. ohh! ahmm.. .weh, ga?

hmm… grr! argh! hmpf! yah!

nyek! ay! waaah! ha!?

hahahaha!

huhuhuh!

duh?

lalalala…